Sala-salabat ang mga isyung bumabagabag ngayon sa buong mundo dahil sa mga krisis na pinansiyal. Maging ang Amerika na itinuturing na pinakamakapangyarihang bansa ay hindi nakaligtas dito, kung kaya marami ang balisa, takot, at halos mawalan na ng pag-asa.
Kasalungat ng mga naglalabasang balita na pawang hindi magaganda, nakatutuwa na ang ating kooperatiba ay patuloy na nakaka-tayong matatag, kumikita, at nagbibigay produkto at serbisyo sa mga miyembro at maging sa komunidad.
Hindi ito kataka-taka dahil lahat ay aktibong nakilalahok sa mga gawain at tumatangkilik sa mga inihahain ng kooperatiba. Tanggap ng bawat isa ang tungkuling nakaatang sa kanya. Buhay at mabunga ang bawat opisyal, miyembro, mangagagawa, at kawani sa kanilang pagsasanib pwersa.
Sa pagsasara ng libro para sa taong 2008, bitbit natin ang tagumpay. At sa pagbubukas nito para sa susunod na taon, muli nating ipakita ang pagkakaisa. Dumako tayo sa mataas na kalagayan. Huwag tayong humintong mangarap at gumawa rin naman. Maging agresibo tayo ngunit hindi palalo. At habang tayo’y kumikilos para tahakin ang daan na panibagong tagumpay, manangan tayong walang pagod sa itinuturing nating May Akda ng ating samahan na Siyang may likha sa lahat ng bagay. At sa hindi malirip na kayamanan Niya, tayo ay muling magtagumpay.