Tuesday, January 6, 2009

Ulat Kooperatiba: Setyembre - Nobyembre 2008 ni Jessie Mercado

Sa pagtatapos ng isa na namang taong pagsasama o pakikilahok sa larangan ng negosyo ng ating kooperatiba ay matiwasay naman tayong nakasabay sa ating mga kasamahan sa pagnenegosyo lalo na’t meron tayong tinatawag ng krisis sa pananalapi sa pandaigdigang sektor.

Sa paglipas ng taon, marami tayong natutunan, na kailangan nating iakma ang ating mga alituntunin o polisiya na magiging ating gabay upang higit nating maserbisyuhan ang mga kasapi ng kooperatiba. Maaaring ang mga alituntunin noon ay akma sa panahon na yun, na kailangan din naman nating baguhin o mas patatagin ang nasabing alituntunin. Katulad ng sa pagpapautang, mas higit na binibigyang importansya ang karakter ng taong manghihiram kaysa sa kapasidad na magbayad at sa kolateral, kung ang paggagamitan niya ng perang hihiramin ay dahil pambayad lang din ng utang at sinasabing mas mataas ang tubo sa pinagkaka-utang niya at sa koop ay mababa, ay hindi binibigyan ng pautang ng kooperatiba ang nasabing nanghihiram, sa kadahilanang walang mataas o mababang tubo sa taong marunong magbayad ng kanyang utang.

Tayong mga kasapi ay ka-may-ari ng kooperatiba. Ang ikatatatag ng ating kooperatiba ay nasa sa atin din kahit na tayo rin ay sinasabing customer na dapat na makatanggap ng magandang serbisyo, kapag tayong lahat ay naging mabuting kasapi ng kooperatiba, tayo rin ay makatatanggap ng wasto at sapat na serbisyo.

Maligayang Pasko at Masaganang Bagong Taon!

PULSO: MORR, Ano nga ba ito? (ikalawang bahagi)

Sa pagpapatuloy ng ating talakayan tungkol sa MORR, narito ang mga sumusunod na bahagi:

Bakit kailangan ang pagsunod sa MORR?

Unang-una, ito ay isang batas upang gawing mabilis, makatotohanan at tapat ang serbisyong natatanggap ng mga kasapi ng isang kooperatiba. Lahat ng kooperatibang ang pinagkaka-kitaan ay ang pagpapautang, maging bahagi lamang ng isang malawak na operasyon ay kailangang sumunod sa MORR at mg-apply para sa License to Operate na siyang magbibigay ng karapatan upang magpatuloy sa ganitong uri ng pagkakakitaan ang koop.

Magkapareho ba ang Registration at ang License to Operate?

Hindi. Ang registration ay nagbibigay ng pangalan sa kooperatiba subalit ang License to Operate ay magkakaloob ng karapatan upang sumabak sa Savings and Credit Operation ang ating kooperatiba.

Sino ang hinihinging kumuha ng License to Operate?

Ang mga kooperatibang nakatala sa CDA na kasalukuyang nasa Savings and Credit Operation o mga nagpaplanong gumawa nito ay kailangang kumuha ng License to Operate.

· Lahat ng kooperatibang may P10,000,000.00 pataas na Paid-in Capital (CBU) ay kailangang sumunod ng madalian.

· Mga kooperatibang may CBU P7,000,000.00—P9,999,999.00 ay may 3 taon pang palugit sa pagsasaayos ng sistema at pagkuha ng License to Operate.

· Ang mga may CBU P5,000,000.00—P6,999,999.00 ay may palugit na 4 na taon

· At ang mga kooperatibang may P3,000,000.00 ay may palugit na 5 taon.

Ang mga kooperatibang may mas higit na mababang CBU ay maaaring hindi hindi na kumuha ng License to Operate subalit kapag umabot na sa takdang halaga na katulad ng mga nabanggit, kailangan na nilang mag-apply para sa License to Operate. Samantalang ang mga agrikultural at iba pang uri ng kooperatibang hindi nagpapautang ay hindi na kailangang pang manguha nito.

Ang mga nabanggit na impormasyon ay hango sa MORR primer na nagmula sa CDA. Ipagpatuloy po natin ang paglago sa ating kooperatiba! Mabuhay!!

BSF F&S MPC, binulaga ang ‘Eat Bulaga’

QUEZON CITY Nagpakitang gilas ang mga miyembro at kawani ng Bataan School of Fisheries Faculty and Staff Multi-Purpose Cooperative (BSF F&S MPC) nang sila ay maging live audience ng isa sa mga hinahangaang noontime shows sa bansa, ang Eat Bulaga (EB), Okt. 27, dito.

Naging usap-usapan ang aktibong pakikilahok ng mga miyembro nang sila ay paulit-ulit na daanan ng mga cameras sa nasabing show. Umani ng papuri ang makisig na pagkakasagot ni Gng. Rafaela Nacorda sa “Itaktak Mo” portion ng EB. Gayundin naman ay pinalakpakan ang buong kumpiyansang pagkakabaybay ni Gng. Lolet Lorenzo sa salitang professor nang biglang tanungin ni Jimmy Santos sa “Sa Pula, Sa Puti” segment dahil hindi nakuhang sagutin ito ng tama ng isa sa mga contestants.

Minsan sa taong 2008 ay naipamalas ng mga taga Orion o mas tamang sabihin na ng mga Bataeños na basta gáling Bataan, ito ay galinģ Bataan.

Samantala, inaasahang masusundan pa mga ganitong klase ng aktibidades na nakapagbibigay saya lalo na sa mga miyembro at kawaning isang taong nagtrabaho at nagtulung-tulong para sa pag-unlad ng kooperatiba.

Pagtatapos at Bagong Simula


Sala-salabat ang mga isyung bumabagabag ngayon sa buong mundo dahil sa mga krisis na pinansiyal. Maging ang Amerika na itinuturing na pinakamakapangyarihang bansa ay hindi nakaligtas dito, kung kaya marami ang balisa, takot, at halos mawalan na ng pag-asa.

Kasalungat ng mga naglalabasang balita na pawang hindi magaganda, nakatutuwa na ang ating kooperatiba ay patuloy na nakaka-tayong matatag, kumikita, at nagbibigay produkto at serbisyo sa mga miyembro at maging sa komunidad.

Hindi ito kataka-taka dahil lahat ay aktibong nakilalahok sa mga gawain at tumatangkilik sa mga inihahain ng kooperatiba. Tanggap ng bawat isa ang tungkuling nakaatang sa kanya. Buhay at mabunga ang bawat opisyal, miyembro, mangagagawa, at kawani sa kanilang pagsasanib pwersa.

Sa pagsasara ng libro para sa taong 2008, bitbit natin ang tagumpay. At sa pagbubukas nito para sa susunod na taon, muli nating ipakita ang pagkakaisa. Dumako tayo sa mataas na kalagayan. Huwag tayong humintong mangarap at gumawa rin naman. Maging agresibo tayo ngunit hindi palalo. At habang tayo’y kumikilos para tahakin ang daan na panibagong tagumpay, manangan tayong walang pagod sa itinuturing nating May Akda ng ating samahan na Siyang may likha sa lahat ng bagay. At sa hindi malirip na kayamanan Niya, tayo ay muling magtagumpay.

Nacorda, Tumaktak!

Goal” ang sagot na nagbigay ng pagkakataon kay Gng. Rafaela Nacorda, BSF F&S MPC Education Committee (EDCOM) member, upang makapasok sa semi-finals ng larong Itaktak Mo ng Eat Bulaga, noong Okt. 27, nang bumisita ang regular members at workers sa studio ng nasabing programa para sa Rest and Recreation Activity (R&R).

“Hiya, kaba, at nerbiyos ang naramdaman ko. Tensed ako, namumutla, naiiyak, at di makapaniwala. Basta, mixed emotions ang meron ako noong mga panahon na iyon,” ani Nacorda habang nangingiti.

“Most exciting ngunit most terrifying experience kong iyon,” dagdag pa niya.

Sa pagkakabunot ng numero niya na nagbunsod upang siya ay maging certified taktakera, pinapili rin siya ng dalawang dabarkads na maaari niyang mahingan ng tulong sakaling makapasok hanggang finals. Ang mga dabarkads na pinili niya ay sina Gng. Julieta Ronsairo, EDCOM member, at Bb. Lilibeth San Jose, Election Committee (ELECOM) member.

Nakapag-uwi si Nacorda ng cash na 2,000php at 500php worth of Globe load. Samantalang sina Ronsairo at San Jose ay nabigyan din ng tig-500php worth of load.

Bagong Pamunuan, Inihalal!

Ika-5 ng Disyembre nang ginanap ang halalan para sa bagong pamunuan ng Bataan School of Fisheries Faculty and Staff Multi-Purpose Cooperative (BSF F&S MPC) na nilahukan ng 63 sa 66 na regular na mga kasapi nito.

Tatlo kada komite ang idineklara ng Election Committee (ELECOM) na nanalo at aasahang magsisipanumpa sa kanilang tungkulin sa gaganaping Annual General Assembly (AGA) sa Disyembre 28, taong kasalukuyan.

Narito ang kabuuan na listahan ng mga bagong halal na opisyal :

Board of Directors: Magdalena Batalla; Marife Carlos; at Jean Dela Peña

Audit and Inventory Committee: Rodrigo P. Enriquez;Rodelio Q. Mariano; at Emelyn C. Mercado

Credit Committee: Elenita S. Artuz; Cristina C. Chua; at Lolita S. Lorenzo

Election Committee: Agnes Enriquez; Lilibeth San Jose; at Gina Tolentino

Mediation and Conciliation Committee:Erlinda Dela Cruz;Mylene Quicho; at Julieta Ronsairo

Samantala, pangungunahan naman ni Gng Laureana Raymundo ang bagong pamunuan ng Board of Directors bilang Chairperson, habang si Gng. Magdalena Batalla ay mananatiling Vice Chairperson. Ang iba pang bahagi ng Board of Directors ay sina Gng. Marife G. Carlos, Gng. Jean R. Dela Peña, Gng. Susana Valencia, G. Marvin E. Orcena at G. Sphero P. Castillo.

G-Cert, Bagong Serbisyong Handog ng Koop

Bilang kapalit ng nahintong operasyon ng BSF F&S Consumer Store, inilunsad ng kooperatiba ang G-Card noong nakaraang buwan ng Nobyembre upang patuloy na makapagbigay serbisyo sa mga kasapi sa pagkakataong kakailanganin nila ng grocery items.

Ang G-card ay isang utang pang grocery na ang pinakamalaking halaga maaaring hiramin ay Limang libo (5,000php) na babayaran sa loob ng dalawang buwan sa pamamagitan ng salary deduction. Ang utang na ito ay hindi ipagkakaloob ng cash kung hindi sa anyo ng isang grocery certificate na maaaring gamitin sa Orion Elizabeth Supermarket. Maari ring hilingin na magamit ito sa iba pang branches ng Elizabeth Supermarket gaya ng sa Balanga at Dinalupihan, subalit kakailanganing ipagbigay alam ito kay General Manager Jessie Mercado upang maipagbigay alam sa kinauukulang tindahan.

Sa ngayon ay ipinagkakaloob ang bagong serbisyong ito sa mga regular na miyembro lamang bilang panimula, at kung magtagumpay ay maaaring ibigay sa lahat ng miyembro.

Para sa mga karagdagang kaalaman tungkol sa bagong serbisyong ito, magpunta po lamang sa ating tanggapan.

Annual Budget & Planning, Matagumpay na Idinaos

Bilang paghahanda sa susunod na pagbubukas ng taon, matagumpay na idinaos ng BSF F&S MPC ang Annual Budget and Planning noong Okt. 15, 7:30 a.m. sa BSF Conference Room, na dinaluhan ng mga officers ng kooperatiba kung saan inilahad ng bawat komite ang kanilang Strengths, Weaknesses, Opportunities, and Threats (SWOT) at gayundin ang Key Result Area (KRA) o mga planong gagawin para sa panibagong taon.

Sinimulan ang planning sa pamamagitan ng isang maikling programa. Pagkatapos ay dagling pag-uulat ng Audit and Inventory Committee (AIC) na inabot ng tanghalian dahil sa mabusising mga plano. Matapos na magsalu-salo sa masaganang pananghalian ay itinuluy-tuloy na ang pag-uulat ng lahat ng komite hanggang kay general manager Jessie Mercado.

Nagpalitan ng eksplanasyon, kuru-kuro, at suhestiyon ang officers upang mas mapaayos at mapaganda ang mga planong isasakatuparan sa taong darating.

Natapos ang Budget and Planning ng alas siyete ng gabi.