Tuesday, April 22, 2008

Tayo ay Iisa! (Editoryal: Dec - Mar 2008)


“Mahina ako kapag nag-iisa, ngunit malakas kung may kasama.”

Mahirap malimutan ang konsepto ng isang patalastas na naging imahe na ng pagpapahalaga sa ating lipunan. Ito ay tungkol sa walis-tingting na ipinakita sa dalawang magkaibang pananaw. Una ay nakabungkos at ikalawa ay ang lasag-lasag na walis. Simple lang, ipinakitang hindi kayang gampanan ng isang piraso ng walis tingting ang kanyang tungkulin. Magagamit mo nga naman ba itong panlinis? Subalit nang ang mga pirasong ito ay sinimulang pagsama-samahin, walang kahirap-hirap na nalinis nito ang mga kalat sa daan. Nagampanan nito ang pinakasukdulang layunin ng kanyang paglitaw bilang isang bagay.

Gayundin naman, bilang mga kasapi ng ating kooperatiba, bukas ang ating kamalayan na tayo ay pantay-pantay – walang maliit, walang malaki. Tunay na kailangan natin ang isa’t-isa. Ang pinakasukdulang dahilan ng ating pagiging bahagi ng kooperatiba ay pakikipag-isa at pakikipagtulungan sa kapwa natin kasapi. Ang kooperatiba ang siyang nag-iisang tali na nagbibigkis sa ating lahat upang tayo ay lumakas at guminhawa naman habang tumutulong din sa pag-unlad ng komunidad. Sa pamamagitan ng mga de-kalidad na produkto at di-mapantayang mga serbisyo na inilalatag natin sa loob ng labing-isang taon, sadyang nakakataba ng puso ang di malirip na kaligayahan at tagumpay na ating natamo. Utang natin ito, unang-una sa habag n gating Diyos at pangalawa sa pakikiisang ating ibinahagi.

Kooperasyon sa kooperatiba ay sadyang napakahalaga, kagaya ng sinasabi sa ating pangakong kooperatiba, tayo’y mahina kung nag-iisa ngunit malakas kung sama-sama.

0 komento: