Wednesday, September 3, 2008

Pulso: MORR, Ano nga ba ito? ni Sphero Castillo

Isa sa mga pinaka mainit na talakayan sa mga kooperatiba ngayon ay ang usapin tungkol sa MORR. Ito’y isang mahabang usapan kung kaya’t ating unti-untiin kung pano natin ito maiintindihan.

Ano ang ibig sabihin ng MORR?

Ito ay isang acronym para sa mga katagang Manual of Rules and Regulation for cooperatives with savings and credit services. Isa itong manifesto ng mga alituntunin na dapat sundin ng mga kooperatibang nagpapautang at may kahalintulad na serbisyo ng mga banko.

Ano ang basehan ng nasabing alituntunin?

Ito ay itinatakda ng Sec. 13 ng R.A 6939 na kung saan ay binibigyan ng kapangyarihan ang CDA(Cooperative Development Authority) na gumawa ng mga alituntunin upang mapabuti ang operasyon ng mga kooperatiba at protektahan ang mga miyembro nito, na sa tingin ng publiko ay kailangang ipatupad.

Para kanino ang nasabing alituntunin at sino ang makikinabang sa nasabing batas?

Nasasaklaw ng nasabing alituntunin ang mga kooperatibang may serbisyong pagpapautang at pagiimpok (savings and credit) kagaya ng ating kooperatiba. Ang mga miyembro ng kooperatibang kagaya nito ang unang makikinabang sa naturang batas. Mahirap sundin sa umpisa sapagkat ito ay isang istriktong pamantayan ng magandang serbisyo at tapat na paglilingkod sa mga kasapi. Layunin ng batas na ito na makapagbigay sa mga kasapi ng:

· Ligtas at maayos na operasyon ng kooperatiba.

· Ingatan ang puhunan at mga impok ng mga miyembro na ipinagkatiwala sa kooperatiba.

· Tulungan ang mga Manager sa pag-alam at pagaaral ng estado ng pinansyal na katayuan ng kooperatiba.

· Bigyan ang kooperatiba ng mga magagandang prinsipyo ng management at governance.

Ang mga nabanggit na impormasyon ay hango sa MORR primer na nagmula sa CDA. Ito ay umpisa pa lamang ng mahabang paguusap tungkol sa nasabing usapin. Umaasa akong makapagbibigay ito ng linaw ukol sa mga haka haka tungkol sa nasabing batas. Sama sama nating hanapin ang kahulugan ng nasabing batas sa mga susunod pang isyu. Mabuhay ka, Kasama!

Ulat Kooperatiba: Abril hanggang Agosto, 2008 ni Jessie Mercado

Sa panahon mula Disyembre ng nakaraang taon hanggang Hulyo ng taong ito, ang kooperatiba ay nakapagbigay na ng pautang sa kanyang mga miyembro na nagkakahalagang P7,016,250.00 at sa pautang na ito kasama ang mga dati pang mga pautang ay nakalikom ng netong tubo na nagkakahalagang P1,006,474.42.

Ang saping puhunan (CBU) sa pasimula ng operasyon na may halagang P8,702,852.85 ay bumaba sa P6,843,123.63 sa kadahilanang ang mga saping puhunan ng mga miyembro ay kanilang ibinayad sa kanilang utang kung saan ginamit nilang kolateral ay ang kanilang saping puhunan.

Ang "Savings Deposit" naman ay umabot na ng P2, 707, 755.63 mula P2, 503, 180.67 at ang nibigay na interes ay P93, 950.21 sa mga miyembrong mayroon nito na may 5% interes kada taon at ibinibigay ang nasabing interes tuwing ikatlong buwan.

Isa rin ang ating kooperatiba sa mga tumanggap ng "E-Counting System" na iginawad ng ating punong lalawigan Enrique T. Garcia at Congressman Abet Garcia. Ang nasabing "E Counting System" ay magiging malaking tulong sa operasyon ng pagpapautang ng kooperatiba. Ang proyektong ito ay pasisimulan sa susunod na pagbubukas ng libro ng kooperatiba sa kadahilanang ang lahat ng "data" ay dapat na maging akma sa proyekto at upang maging epektibo ang operasyong pagpapautang na mayroong Deposit at hindi kasama ang kantina at consumer store.

Coop, May Bagong Opisina

Isang proyekto ng pagdadagdag sa opisina ng ating kooperatiba ang natapos kamakailan at may kabuuang halagang P81, 381.75, kabilang na ang mga sofa, air-conditioning unit at cabinet. Ito ay bahagi pa rin ng pagpapalawig ng serbisyo para sa mga miyembro na kung saan ay binigyan ng mas presentable at komportableng receiving area ang mga bumibisita at naghihintay na miyembro.


Matatagpuan din sa nasabing bahagi ng opisina ang mga babasahin na tumatalakay sa pinakahuling mga kaganapan sa ating kooperatiba, pati na ang mga iba’t ibang mga batas at polisiyang natipon sa paglipas ng panahon at ang Organizational Chart na nagpapakita ng mga Officers at Staff ng ating samahan.

“Naging mas maayos at madali ang pakikipagusap sa mga kliyente. Hindi na sila naiinip dahil mas marami na silang mababasa at malalaman ukol sa mga nangyayari sa ating kooperatiba,” wika ni Manager Jessie Mercado, ang General Manager ng koop at nagoopisina sa nasabing bahagi.

Value-Based Seminar Workshop, Inilunsad.

Upang higit na mapaigting pa ang serbisyo, kasanayan at abilidad ng mga officers at staff ng iba’t ibang komite ng BSF F&S Multi-Purpose Cooperative, inilunsad ang Value-Based Seminar Workshop for Cooperative Operation sa BSF Conference room, noong ika-3 hanggang ika-4 ng Abril, 2008.

Isang maikling programa ang unang isinagawa bago ang seminar proper na kung saan nagging tagapag-salita si G. Marcelina S. Guzman, Development Assistant Specialist ng Land Bank of the Philippines.

Tinalakay ni Guzman ang mga katangian ng isang kooperatiba noon at paano ito dapat na makisabayan sa makabagong panahon. Gayundin, kanyang binigyang diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang karakter at pagpapahalaga ng mga kasapi sa isang kooperatiba.

Ang mga officers at staff ay naktanggap ng sertipiko bilang katibayan at pagkilala sa kanilang pakikiisa at pakikilahok sa nasabing se minar-workshop.

Ang pagtitipon ay nilahukan ng 56 na regular members at 227 associate members.

BSF F&S MPC, Nakiisa sa Nutrition Month

Nakiisa ang BSF F&S MPC sa pagdiriwang ng “Buwan ng Nutrisyon” ngayong Hulyo as pamamagitan ng isang Feeding Program.

Limang mag-aaral mula sa bawat pangkat, ika-una hanggang ika apat na taon ang nakinabang sa inihandang pagkain sa pangunguna ng Education Committee at pakikipagtulungan naman sa School Canteen Management.


Maaalala na ang kaparehong programa ay idinaos din noong nakaraang taon at ipinaghanda ang mga mag-aaral ng sopas, puto at juice.

“Nabusog talaga ako. Nakatipid pa ako ng pang recess. Masustansiya ang mga pagkain na inihain sa amin at ipinaliwanag din sa amin ang kahalagahan ng nutrisyon.” wika ni Carlo Mercado, IV-E isa sa mga napiling beneficiary.

Bagong Computer para sa mas mabilis na Serbisyo

Namili kamakailan ang ating kooperatiba ng bagong set ng computer bilang karagdagan sa mga pagsasa-ayos ng sistema ng ating operasyon alinsunod sa itinatakda ng MORR. Dito ay muling binuhay ang proyektong “computerized system” na kung saan madaling malalaman at makapaggagawa ng reports ukol sa kita at pautang ng ating kooperatiba. Layunin din nito na maiwasan ang mga maanomalyang mga transaksyon sa ating mga serbisyo.

MORR, Heto na!

Dumalo kamakailan si Dir. Marvin Orcena, Mngr. Jessie Mercado at si Maureen Villegas sa isang seminar na higit na nagbibigay diin sa mga nilalaman ng bagong batas ukol sa mga kooperatibang nagpapautang na mas kilala bilang Manual Of Rules and Regulations for Cooperative with Savings and Credit Services. Layunin ng kanilang pagdalo ang higit na maunawaan ang nilalaman ng bagong batas upang mapaghandaan ang nalalapit na pagsunod dito.

CONSUMER STORE, MAY INVENTORY SALE!

Maki-mura ng mula 10% hanggang 70% diskwento (discount) sa ating consumer store. May iba’t ibang mga panindang mapagpipilian magmula sa mga damit hanggang mga de-latang sangkap sa kusina. Samantalahin ang bagsak-presyong handog ng ating kooperatiba hanggang Nobyembre ng taong ito.

Kilalanin Sila! Handa ka na ba?

Magalang. Mabilis. Madaling lapitan. Maasahan. Ito’y ilan lamang sa mga katangian ng mga taong kasamang nagbibigay kulay sa ating kooperatiba. Sila ang ating inaabutan sa opisina sa tuwing tayo ay magbabayad, magtatanong, o pipili ng produkto at serbisyo. Handa ka na ba? Tara na!

Pangalan: Jessie Mercado

Pinagtapusan: Bachelor of Science in Accounting

Posisyon: General Manager

Mga Gawain: Tagapamanihala sa mga operasyon ng kooperatiba, Ipinapa-alam sa BOD ang mga transaksyon at mga nakatakdang plano.


Pangalan: Maureen A. Villegas

Pinagtapusan: Bachelor of Science in Accounting

Posisyon: Book Keeper

Mga Gawain: Tagapagtala sa Book of Accounts at naghahanda ng Financial Statements.

Pangalan: Francis J. De Leon

Pinagtapusan: Computer Secretarial

Posisyon: General Clerk

Mga Gawain: Taga-tanggap ng saping puhunan, savings at loan payments.

Pangalan: Francisco G. Guevarra

Pinagtapusan: BS in Mechanical Engineering

Posisyon: Credit Collector

Mga Gawain: Tagapangolekta ng mga singilin sa mga miyembrong nais na sila ay sa bahay magbayad nang arawan, lingguhan, o buwanan.

Sa tuwing pupunta ng ating opisina, ating kilalanin ang mga taong nagsisilbi sa atin!

Sa Paggawa

“...And if you cannot work with love but only with distaste, it is better that you should leave your work and sit at the gate of the temple and take alms of those who work with joy...” - Kahlil Gibran

Ang pagkilos ng may pag-ibig ayon kay Gibran ay ang paghbai ng isang piraso ng tela gamit ang sinulid ng ating puso. It ay ang pagtatayo ng bahay nang may pagmamahal na para bang ang ating mga minamahal ang kakain ng bunga nito. Ito ay ang paglalagay ng ating sariling hininga sa mga bagay na pinaka-ninanais nating gawin.

Siya na gumagawa ng marmol at nakikita ang hugis ng kaniyang sariling anyo sa mga bato ay dakila. Ngunit siya na nagmamasa ng harina nang may malamig na loob ay gumagawa lamang ng mapait na tinapay na hindi man lang sasapat upang punan ang kumakalam na tiyan. At kung sa kanyang pagkatas ng ubas, siya ay puno ng hinanakit, ang hinanakit na iyon ang magsisilbing lason lamang sa alak.

Ganito kahalaga ang gumawa nang may pag-ibig. Sapagkat ang isang trabaho, akda o Gawain ay pag-ibig na ginawang lantad sa paningin. Umawit man tayo kasama ang mga anghel, subalit hindi naman minahal ang mismong pag-awit, hungkag na ingay at hindi musika ang mga tinig na ating inuusal.

Sa ating kooperatiba, bawat isa ay may nakatang na gawain. Ang iba sa atin ay ulo. Ang iba naman ay kamay, paa, bibig o tenga. Gayunpaman, tayo ay pinagdudugtong ng iisang puso at katawan. At sa ating paggawa bilang bahagi ng katawang ito, tayo ay kumilos nang may pag-ibig. Ito ang nag-iisang sangkap na magpapatamis sa ating bigkisan...magpapalakas sa ating pisikal na katawan at isipan...muling magbibigay ng apoy sa atas ng ating tungkulin...at magpapasamyo sa ating paglilingkod.