Tuesday, April 22, 2008

Pulso: ni Sphero Castillo

...at isinilang ang BIGKISAN!...

Sa wakas, ang matagal nang paghihintay ay nagtapos at ngayon ay narito sa ating kamay ang kopya ng Bigkisan, ang opisyal na pahaygan ng BSF F&S Multi-Purpose Cooperative. Ito ay mahalaga para sa ating mga pangkaraniwang miyembro upang mabahaginan ng mga pinaka-huling mga pangyayari dito sa ating samahan.

Ito ang magsisilbing tagapag-tawid - balita at taga-pamagitan sa mga kasapi at mga namumuno ng ating kooperatiba. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ating sisilayan ang unang bahagi ng matagumpay na samahang tumagal sa loob ng 11 taon, ang mga serbisyong kaya niyang ibigay sa atin, mga produkto at mga panindang nakalaan para sa atin, ang mga ideya ng mga namumuno, ang mga proyektong matagumpay na isinasagawa at nagawa na. Lahat nang ito at iba pang mga pangyayari ay ating maaabot sa pamamagitan ng ating pahayagan.

Sana ay ating suportahan ang proyektong ito upang patuloy nating malasap ang biyaya ng kaunlaran sa kooperatiba.

Daglit Balita

Instant Cash Loan, Available na!

Ang Instant Cash Loan ay isa sa pinakabagong serbisyong handog ng kooperatiba para sa mga regular members na kung saan, sila ay pinapayagang makapangutang ng pinakamalaki na ang P3000.00 sa interes na 3% kada buwan at maaring bayaran sa loob ng 3 na buwan. Ito ay instant at hindi na nangangailan ng maraming mga kapapelan.

Gasul Loan, Heto na!

Heto na ang tutulong kung biglang maubos ang gasul sa hindi inaasahang panahon. Maaari nang tumawag sa tindahan ng gasul dito sa Orion at ang kooperatiba na ang bahalang magbayad nito. Ito naman ay maaaring hulugan ng miyembro sa loob ng 1 buwan sa interes na 5%.


Micro-Financing, Tulong sa Munting Negosyo

Marami na ang nakapagpatuloy ng negosyo sa pamamagitan ng Micro Financing na ibinibigay ng kooperatiba sa mga negosyante na kapos sa kanilang puhunan. Hanggang P20 000.00 ang pautang na maaring ipagkaloob sa negosyanteng mayroong kakilalang regular member na maaring mag garantiya (guarantor), may negosyong pinanghahawakan, business permit, at maaaring magbayad araw-araw sa interes na 3% kada buwan.

Bagong BOD 2008

BOD 2008. (mula sa kaliwa) Dir. C. Waje, Dir. N. Acuña, Dir. M. Orcena, Dir. M. Batalla, Dir. L. Raymundo, Dir. S. Castillo, BOD Sec. H. Delos Reyes at Chairperson C. Chua.

Bagong Pamunuan, Inihalal!


Bago pa simulan ang pagtitipon ng Annual General Assembly ay idinaos ang munting halalan para sa bagong pamunuan ng kooperatiba at sa ganap na ika-1 at kalahati ng hapon ay naideklara na ang mga nanalo.

Ang bagong BOD ay sina G. Marvin Orcena at G. Sphero Castillo, samantalang muling nahalal si Gng. Laureana Raymundo. Si Gng. Carmen Waje at Gng. Susan Valencia ay may parehong bilang ng boto kung kaya’t pinagkasunduan na tig-isang taon silang maglilingkod bilang BOD ngunit di naman maaaring maihalal sa susunod na botohan. Si Gng. Jean Dela Peña ang pinuno ng komite sa pautang kasama sina Rodrigo P. Enriquez, Elenita Artuz, at Lolita Lorenzo. Ang komite ng Audit & Inventory naman ay muling pinangunahan ni Gng. Marife Carlos, kasama sina Bb. Emelyn Mercado, Gng. Loida Serandon at Rodelio Mariano. Ang komite sa halalan (Elecom) ay pinangunahan ni Gng. Agnes M. Enriquez, kasama naman sina Bb. Ruth De Guzman, G. Joel Cayabyab at Bb. Lilibeth San Jose.

Kamakailan ay pinagtibay ng BOD ang pagdaragdag ng bagong komite na tatawaging “Mediation and Reconciliation Committee” na may trabahong kahalintulad ng Disciplinary Action Committee na dati nang pinagtibay noon at ngayon nga ay pinalitan at sadyang ibinukod. Ito ay pamumunuan ng BOD sa Human Resource Development kasama ang mga appointees na sina Gng. Erlinda Dela Cruz, Carmelita Villegas at Gng. Susan Valencia.

Naging maayos ang kinalabasan ng halalan at halos 90 % ng mga regular members ay sumuporta at nagbahagi ng kanilang boto para sa kooperatiba.

11th BSF F&S MPC General Assembly, Ginanap

Sa paksang “Pakiki-isa: Susi ng Pagsulong at Pag-unlad ng Kooperatiba,” ginanap ang ikalabing-isang (11th) General Annual Assembly Meeting and Annual Report sa BSF Covered Court noong Disyembre 28, 2007.

Ang pagpupulong ay nahahati sa limang bahagi. Ang unang bahagi ay ang paghahalal ng mga officers ng kooperatiba na ginampanan ng mga regular na miyembro. Ito ay ginanap mula ika-8 ng umaga hanggang ika-12 ng tanghali. Ang mga nanalo ay nakapanumpa na rin sa ikalawang bahagi ng pagtitipon.

Naging abala ang lahat ng mga opisyales sa nasabing pagtitipon sapagkat ang buong araw ay ginugol sa iba’t-ibang gawain.

Samantala, nagbahagi din ng pananalita ang pangulo ng kooperatiba na si Gng. Cristina Chua na sinundan naman ng pagkilala sa mga kasaping nagsidalo sa pamamagitan ni Gng. Laureana Raymundo na isa sa mga Board of Directors. Nagbigay din ng Mensahe si G. Gerardo Batalla, ang pamunuan ng paaralan at tagapayo sa kooperatiba. Pinangunahan din niya ang pagtatalaga sa mga bagong halal na mga mamumuno. Samantala, ang paguulat pang-pinansyal ay ibinigay ni Gng. Angelita Quezon, ang accountant ng koopearatiba na sinundan naman ng pang-huling pananalita ni Gng. Magdalena Batalla, ang pangalawang pangulo ng kooperatiba.

Pagkayari ng palatuntunan ay nagkaroon naman ng pag-uulat ang bawat komite, ang chairperson at ang general manager. Sa bahaging ito, inanyayahang makibahagi ang lahat ng miyembro sa pamamagitan ng Open-Forum.

Sa huli ay nagkaroon ng Bingo Social sa pangunguna ng Election Committee at nang matapos ay nagbigayan na ng dibidendo at patronage refund para sa mga kasapi.

Ang pagtitipon ay nilahukan ng 56 na regular members at 227 associate members.

Coop Iskolar, Nagtapos nang may Karangalan

Nagtamo ng ikatlong karangalang banggit ang kauna-unahang iskolar ng Bataan School of Fisheries Faculty and Staff Multi-Purpose Cooperative (BSF F&S MPC) noong ika 29 ng Marso, 2008 nang siya ay magtapos sa mataas na paaralan.

Si Mel John E. Lintag, IV-A, naninirahan sa Capunitan, Orion, Bataan at panganay sa anim na magkakapatid, ay apat na taong sinuportahan ng BSF F&S MPC sa kanyang pag-aaral. Kanilang sinagot and kanyang miscellaneous fee, uniporme at buwanang allowance na Php 750.00.

“Maraming salamat sa bumubuo ng BSF F&S MPC. Nang dahil po sa inyo nakatapos ako ng high school. Sana po’y ipagpatuloy ninyo ang pagtulong sa mga mag-aaral na kagaya ko. Muli, maraming salamat po. Ito ay mula sa akin at sa aking pamilya,” pahayag ni Lintag.

Samantala, muling pipili ang nasabing kooperatiba ng panibagong iskolar na kanilang bibigyan ng grant sa loob ng apat na taon.

Tayo ay Iisa! (Editoryal: Dec - Mar 2008)


“Mahina ako kapag nag-iisa, ngunit malakas kung may kasama.”

Mahirap malimutan ang konsepto ng isang patalastas na naging imahe na ng pagpapahalaga sa ating lipunan. Ito ay tungkol sa walis-tingting na ipinakita sa dalawang magkaibang pananaw. Una ay nakabungkos at ikalawa ay ang lasag-lasag na walis. Simple lang, ipinakitang hindi kayang gampanan ng isang piraso ng walis tingting ang kanyang tungkulin. Magagamit mo nga naman ba itong panlinis? Subalit nang ang mga pirasong ito ay sinimulang pagsama-samahin, walang kahirap-hirap na nalinis nito ang mga kalat sa daan. Nagampanan nito ang pinakasukdulang layunin ng kanyang paglitaw bilang isang bagay.

Gayundin naman, bilang mga kasapi ng ating kooperatiba, bukas ang ating kamalayan na tayo ay pantay-pantay – walang maliit, walang malaki. Tunay na kailangan natin ang isa’t-isa. Ang pinakasukdulang dahilan ng ating pagiging bahagi ng kooperatiba ay pakikipag-isa at pakikipagtulungan sa kapwa natin kasapi. Ang kooperatiba ang siyang nag-iisang tali na nagbibigkis sa ating lahat upang tayo ay lumakas at guminhawa naman habang tumutulong din sa pag-unlad ng komunidad. Sa pamamagitan ng mga de-kalidad na produkto at di-mapantayang mga serbisyo na inilalatag natin sa loob ng labing-isang taon, sadyang nakakataba ng puso ang di malirip na kaligayahan at tagumpay na ating natamo. Utang natin ito, unang-una sa habag n gating Diyos at pangalawa sa pakikiisang ating ibinahagi.

Kooperasyon sa kooperatiba ay sadyang napakahalaga, kagaya ng sinasabi sa ating pangakong kooperatiba, tayo’y mahina kung nag-iisa ngunit malakas kung sama-sama.

Ulat Kooperatiba (December to March 2008) ni Jessie C. Mercado

Ang kooperatiba ay nakapagbigay ng pautang sa kanyang mga miyembro ng halagang P3,334,700.00 sa panahon mula Disyembre, 2007 hanggang Pebrero 2008. Mula sa mga pautang na ito at mga dati pang mga pautang, ang kooperatiba ay nakalikom na ng tubo sa halagang P737, 335.64. Karamihan sa mga napautang ay merong maliliit na tindahan na ginamit bilang pandagdag na puhunan sa kani-kanilang negosyo at sila po ay sinisingil ng arawan.

Isa pang serbisyo na binibigay ng kooperatiba ay ang Savings Deposit, na kung saan, ang miyembro ay pwedeng mag-impok ng kanilang labis na pera at sila ay mayroon madudukot sa oras ng pangangailangan. Ang mga impok na naturan ay may kaukulang interes na 5% per annum na nakukuha din naman ng mga depositors.

Para sa mga mag-aaral ng Bataan School of Fisheries, patuloy pa rin ang programa ng “Young Saver’s Tipid Movement” na katulad ng savings deposit. Ang kaibahan lang ay ang pinakamababang halaga na pwedeng inisyal na impok ay P15.00 para sa mga mag-aaral samantalang P500.00 para sa mga miyembro ng kooperatiba.

Gayundin naman, inaprubahan ng BOD ang pag-aalis ng “insurance” sa mga Associate Members na may higit sa P10,000.00 halaga ng “shares.” Ito ay bunsod ng karagdagang mga hinihinging mga dokumento at “requirements” ng insurance company na makadaragdag naman sa gastusin at trabaho ng mga kawani ng kooperatiba. Tanging mga regular members na lamang na madaling makita ang pinagkalooban ng ganitong pribilehiyo. Ang nasabing resolusyon ay epektibo noong Disyembre, 2007 hanggang sa kasalukuyan.